Pinagdududahan ngayon ng isang grupo ng mga consumer ang paliwanag ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa kanilang isinagawang hakbang na pag-aangkat ng supply ng galunggong sa Pilipinas.
Sinabi ni Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba na sa palagay niya ay tila nagdadahilan lamang ang ahensya na walang supply ng lokal na galunggong sa bansa.
Paliwanag niya may grupo kasi aniya ng mga negosyante na nagpapasok ng mga imported na galunggong sa Pilipinas kung kaya’t kinakailangan aniya itong ibenta.
Ayon pa kay Dimagiba, sa taas ng presyo ng galunggong ngayon ay halos katumbas na at maaari ka nang makabili ng dalawang kilo ng bangus sa halaga nito.
Sa ngayon kasi ay nagkakahalaga sa P240 ang presyo ng frozen galunggong habang nasa P260 naman ang presyo ng lokal na galunggong.
Magugunita na sinabi ng Department of Agriculture (DA) na sila ay mag-aangkat ng nasa 60,000 metric tons ng mga isda sa bansa upang hindi anila magtaas ang presyo ng mga ito sa merkado.
Itinurong dahilan din ng ahensya ang naging resulta ng pananalasa ng bagyong odette sa ilang bahagi ng bansa dahil hindi pa anila nakakabangon ang industriya ng pangingisda dito.
Samantala, dahil dito ay umani naman ang kagawaran ng pambabatikos mula sa ilang opisyal ng gobyerno at grupo ng mga consumers at mangigisda ng isasagawang pag-aangkat ng mga galunggong sa Pilipinas mula sa ibang bansa.