Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na walang masamang epekto sa mga consumer at industriya ng langis ang kautusan nito na hihimay sa ginagawang adjustment sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Energy Asec. Leonido Pulido III na nais lang ng kagawaran na masilip ang transparency sa presyo ng gasolina, kerosene at diesel.
Mandato rin naman daw kasi ng kagawaran na ma-monitor ang totoong sitwasyon ng presyo ng langis sa merkado.
“Naniniwala kami about the balancing of interest (between) the consumer at stake and oil companies. Nakakalimutan kasi natin minsan na yung oil companies, stakeholders din natin sila.”
“Naniniwala kami na itong unbundling circular is very good for the consumers pero in order to improve yung industriya nila (oil companies) maa-appreciate din nila na para sa kanila ‘to.”
Sa ilalim ng Department Circular 2019-05-0008, magsusumite ng detalyadong impormasyon ang oil companies na magpapaliwanag sa kanilang adjustment sa presyo.
Kamakailan nang maghain ng petisyon sa Makati City Regional Trial Court ang Philippine Industry of Petroleum para harangin ang implementasyon ng kautusan sa susunod na linggo.
Pero ayon kay Pulido, tuloy ang pagpapatupad ng kautusan hangga’t walang inilalabas na desisyon ang korte.
“Tentatively it should’ve been July 4 pero mukhang mamo-move yan ng two weeks because there was an administrative mistake. There is an annex na hindi na-publish (sa circular). So what will happen is it will be moved by another two weeks. Sometimes second week ng July it will effect.”