Inihihirit ngayon ng grupo ng mga health care professionals sa pamahalaan na palakasin ang sistema ng contact tracing sa bansa ngayong bumaba na ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases.
Sinabi ni Dr. Aileen Espina, committee member ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) na panahon na upang tutukan ang kakayahan sa contact tracing.
Paliwanag niyo, ito raw kasi ang hindi maayos-ayos nang ayon sa ating pangangailangan.
Binigyang diin pa ng opisyal na hindi raw porket bumaba na ang kaso ng covid sa National Capital Region (NCR) ay wala na ang nakamamatay na virus sa Metro Manila.
Nananatili pa rin aniya ang panganib na dala ng COVID-19.
Kaya naman patuloy daw ang kanilang paalala sa ating mga kababayan na mag-ingat pa rin lalo na’t mas niluwagan na naman ang alert level sa NCR.
Samantala, hinikayat din ni Espina ang lahat na gamitin ang panahon na ito para magpabakuna kontra COVID-19 para makamit na ang inaasam na herd immunity sa buong bansa.