-- Advertisements --

Nakapasok na sa Pilipinas ang Omicron variant mula sa dalawang international travelers.

Sa data na inilabas ng Department of Health (DOH), isang returning overseas Filipino mula Japan ang isa sa mga nagpositibo.

Dumating siya sa bansa noong Disyembre 1 sakay ng Philippine Airlines flight number PR 0427.

Ang isa pang nagpositibo sa Omicron variant ay isang Nigerian national na mula Nigeria na dumating sa bansa noong Nobyembre 30 via Oman Air na may flight number WY 843.

Kapwa sumailalim na sa isolation facility ng Bureau of Quarantine ang dalawa.

Inihayag din ni Health Usec Ma Rosario Vergerie na isa sa mga nagpositibo ay fully vaccinated habang ang isa naman ay hindi pa nabakunahan.

Isinagawa na ng kagawaran ang contact tracing sa mga pasahero na nakasama ng dalawang international travelers.

Bukod sa dalawang kaso ng Omicron, mayroong 33 na positibo para sa variant ng Delta (B.1.617.2) habang 13 ang walang itinalagang linya.

Ang pinakahuling sequencing run ay binubuo ng mga sample mula sa 21 Returning Overseas Filipinos (ROFs), isang dayuhan, at 26 na lokal na kaso mula sa mga lugar na may mga cluster ng kaso.