Muling nagpaalala ang Philippine College of Physicians (PCP) na hindi lang quarantine measures, tulad ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ), ang kailangan ng bansa para magapi ang coronavirus disease.
Sinabi ni Dr. Maricar Limpin, Vice President ng PCP, na suportado nito ang contact tracing at mass testing bilang long-term solution para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Aminado man ito na malaki ang maitutuliong ng MECQ para mapabagal ang mabilis na transmission ng virus sa Metro Manila ay hindi pa rin daw ito sapat.
Ang community quarantine aniya ay isang paraan kung saan makakatulong na ma-contain ang pagdami ng kaso, subalit sinabi ni Limpin na short-term lang ang hakbang na ito.
Binigyang-diin nito na kailangan ng bansa na magkaroon ng “uniform” contact tracing system at patatagin ang pagpapatupad nito sa local government unit level.
Ayon pa kay Limpin, standard na ang contact tracing sa bansa para maging mabilis, real-time at mahahabol kaagad ang mga taong na-expose at ma-isolate kaagad sila.