-- Advertisements --
mayor magalong 1
Baguio City Mayor Benjamin Magalong

BAGUIO CITY – Pinapabilis ng Department of Health (DoH) ang contact tracing operations sa Cordillera Region matapos maitala ang 12 na mga kaso ng bagong UK variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng Bontoc, Mountain Province at isang kaparehong kaso sa La Trinidad, Benguet.

Ayon kay Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, nag-oorganisa na ang DoH ng yunit na binubuo ng higit 60 na trained contact tracers na ipapadala dito sa Cordillera na magsagawa ng tracing operations.

Sasailalim aniya sa kanyang supervision ang mga team members na manggagaling ng Regions 1, 2 at 3 at Regional Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ayon naman kay Bontoc, Mountain Province Mayor Franklin Odsey, nanggaling ng United Kingdom ang pasyente na kinilalang Case No. 51 at nahawaan nito ang 11 nitong kamag-anak na dumalo sa kanilang get together.

Aniya, nagnegatibo naman sa COVID-19 testing ang nasabing pasyente nang makarating ito ng bansa hanggang sa nakauwi sa kanilang bayan.

Sa ngayon, nakalabas na ang ilan sa mga kamag-anak ng pasyente, maging ang pasyente bagaman isinasailalim ang mga ito sa mahigpit na monitoring.

Bontoc Mt. Province wiki file

Samantala, sinabi naman ni La Trinidad, Benguet Mayor Romeo Salda na patuloy ang tracing sa nagpositibo doon dahil wala itong travel history sa labas ng bansa.

Ipinadala na rin sa Philippine Genome Center ang samples ng dalawang direct contact ng nasabing pasyente matapos magpositibo sa COVID-19 ang mga ito.

Dinagdag niya na ngayong araw ay sasailalim sa re-swabbing ang nasabing pasyente at ang anim na direct contact nito.

Kasabay nito ay ipinapa-alala ng dalawang LGUs ang mahigpit na pagsunod ng mga mamamayan sa basic health protocols kasabay ng kanilang aksion para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng nasabing virus.