VIGAN CITY – Nagpapatuloy umano ang contact-tracing ng mga kinauukulan sa South Korea, lalo na sa bahagi ng Daegu hinggil sa mga posibleng nakasalamuha ng mga naunang nagpositibo sa coronavirus disease sa nasabing bansa.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Jhonel Tabion Realin, isang factory worker sa isang textile company sa Daegu, South Korea na tubong Sta. Catalina, Ilocos Sur.
Ayon kay Realin, kasalukuyan na umanong ino-obserbahan ang higit 9, 000 na miyembro ng isang religious sect kung saan unang naitala ang kaso ng COVID–19 sa nasabing bansa at pinaghahanap pa ang ilan sa kasamahan ng mga ito upang isailalim sa quarantine period.
Samantala, unti-unti na umano nilang nararamdaman ang epekto ng COVID-19 sa mga industriya sa South Korea kagaya na lamang sa factory na pinagtatrabahuhan nito na mahina na umano ang kanilang produksyon at wala nang itinalagang manggagawa sa gabi ang kanilang boss dahil humina ang kanilang bentahan.