-- Advertisements --

Dinoble pa ng mga otoridad sa lungsod ng Dumaguete, Negros Oriental ang kanilang puspusang contact-tracing sa mga iba pang mga indibidwal na nakasalamuha ng dalawang Chinese nationals na kumpirmadong dinapuan ng novel coronavirus.

Ayon kay Dr. Liland Estacion, assistant provincial health officer, nais nilang matiyak na hindi magkakaroon ng local transmission ng nakamamatay na virus na nagmula sa Wuhan, China.

In-admit na rin aniya sa Negros Oriental Provincial Hospital ang nasa limang persons under investigation (PUIs) na na-expose sa Chinese couple makaraang makitaan ng sintomas ng flu.

Dalawa umano sa mga ito ay nanggaling sa hotel, at ang dalawa ay mula sa isang resort na tinuluyan ng mga Chinese, habang ang isa ay nakatabi pa ng mga ito sa isa sa kanilang mga flights.

Bagama’t hindi idinetalye ng opisyal kung ano ang kasarian ng mga pasyente, tiniyak naman nito na binibigyan sila ng kaukulang atensyong medikal.

Naipadala na rin aniya sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang mga swab samples para sa confirmatory tests, at posibleng makuha ang resulta sa loob ng tatlong araw.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Dumaguete City Mayor Felipe Antonio Remollo, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga local health offices upang maresolba ang isyu.

Hindi rin aniya sila nahihirapan sapagkat kusa namang nakikipag-coordinate sa kanila ang mga indibidwal na posibleng nagkaroon ng direct contact sa naturang mga dayuhan.