CAUAYAN CITY – Nahihirapan ngayon ang lokal na pamahalaan ng Echague sa pagsasagawa ng contact tracing dahil sa pabago bagong sinasabi ng bagong nagpositbo sa COVID-19 sa nasabing bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Kiko Dy, inamin niyang nahihirapan sila ngayon sa contact tracing ng mga nakasalamuha ng nagpositibo sa COVID-19 dahil sa pabago bagong pahayag nito.
Aniya, batay sa unang pahayag nito ay dumating siya noong June 4, 2020 pero sa mga sumunod na pagtatanong sa kanya ay sinabi nitong noong June 2, 2020 at May 31, 2020 siya dumating sa Isabela.
Nagsagawa na aniya ng legal actions ang LGU Echague at pinalagda ng affidavit ang mga nakontak nilang kasama nito para sabihin ang totoo.
Hiniling naman ni Mayor Kiko Dy sa mga mamamayan na huwag matakot at makipagtulungan dahil kapag hindi sila nagsabi ng totoong impormasyon ay baka ito pa ang maging dahilan ng outbreak ng virus hindi lamang sa kanilang bayan kundi sa buong Isabela.
Hindi naman aniya nito alam kung paano nakalusot ang nasabing pasyente sa checkpoint sa Cordon, Isabela sa kabila ng mahigpit na pagbabantay doon.
Buti na lamang aniya at nalaman ito ng mga opisyal ng barangay.
Sumakay aniya sa pribadong sasakyan ang pasyente kaya hindi ito naipaalam sa kanila at hindi agad naaksyunan.
Ayon kay Mayor Kiko Dy, matagal na nanatili sa Maynila ang pasyente dahil nagpatest at sumailalim pa ito sa quarantine at negatibo naman ang resulta.