-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagpapatuloy ngayon ang contact tracing ng mga otoridad sa mga posibleng nakasalamuha ng isang retiradong sundalo na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 sa Palestina, Pili, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kagawad Narcel Lopez ng naturang bayan, sinabi nitong isang 64-anyos at dating miyembro ng Philippine Army si Bicol No. 586.

Aniya, itinakbo ito sa ospital dahil sa nararamdamang sakit ngunit nang ipinasailalim sa swab test, dito na nabatid na maliban sa kaniyang sakit, positibo pa ito sa COVID-19.

Sa ngayon, maliban sa dalawang katulong nito na tumulong sa pagsugod sa kaniya sa ospital, nagpapatuloy pa ang contact tracing ng mga otoridad dahil lagi rin umano itong pumupunta sa lungsod ng Naga.

Si Bicol No. 586 ang ika-16 na kaso ng COVID-19 na binawian ng buhay sa Bicol.

Samantala, sa ngayon mahigit naman sa 600 ang total cases habang mahigit sa 300 ang active cases sa naturang rehiyon.