CAUAYAN CITY- Tiniyak ng City Health Office ang maigting na pagsasagawa ng contact tracing sa kalunsuran may kaugnayan sa mga napapaulat na mga residenteng positibo sa COVID-19 sa Santiago City
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer, sinabi niya na magsisilbing aral sa mga health care workers ang pagpositibo sa virus ng ilan sa kanilang kasamahan.
Sinabi ni Dr. Manalo na sa pagkakatala ng local transmission sa isang barangay ay kaagad naman nilang na-contain at maayos na nakapagsagawa ng contact tracing.
Naihiwalay nila ng maayos ang mga nagpositibo na ipinasakamay sa LGU Quarantine Facility at nailatag ang malawakang disinfection activity bilang pagsasagawa ng decontamination sa mga lugar na isinailalim sa calibrated total lockdown.
Kaugnay naman sa pagkakatala ng mga positibong kaso sa hanay ng mga medical staffs, sinabi ni Dr. Manalo na paiigtingin pa ng kanyang tanggapan ang pagmomonitor sa pagtugon ng bawat pagamutan sa minimum health protocols.
Ayon sa City Health Officer, nag-iingat ngayon at tinitiyak na ng bawat ospital sa Santiago City na nasusunod ang mga health protocols batay sa DOH guidelines.
Batay sa talaan ng City Health Office, hindi matatawag na malaking bahagdan sa total confirmed case ng Lungsod ang pagpositibo ng nasa mahigit 20 health care workers ang bilang dahil mas marami pa rin ang mga naitatalang locally stranded individuals at returning overseas flipinos na nagpopositibo sa virus.