Nanindigan ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na handa sila anumang oras na magpatupad ng contingency plans sakaling maantala ang mga palaro dahil sa inaasahang pagpasok ng malakas na bagyo sa weekend.
Sa isang press conference sa Clark, Pampanga, sinabi ni PHISGOC chief operating officer Ramon Suzara, inatasan na nila ang lahat ng mga competition managers at technical delegates na maging preparado sa oras na magkaroon ng kanselasyon sa mga laro.
Puwede rin aniyang mabago ang competition format sa ganitong mga sitwasyon upang matiyak na hindi magugulo ang schedule.
“Normally in some sports, the games are not cancelled, but the public are not allowed to watch. So the competition for indoor, for example volleyball. The competition continues as long as there is power, but no spectators,” wika ni Suzara.
Sinabi pa ni Suzara na plantsado na rin daw ang mga guidelines para sa mga delay o kanselasyon ng kompetisyon na bunsod ng hindi inaasahang mga pangyayari sang-ayon sa mga regulasyon ng international sports federations.
Kaugnay nito, tiniyak ni Suzara na hindi basta-basta mapapatay ang apoy sa SEA Games cauldron na sisindihan bukas sa gaganaping opening ceremony sa Philippine Arena sa Bulacan.
“In most games the cauldron, the fire or the flame, whether it rains—unless the rain is really a heavy downpour—will still be on, for sure. Because it’s by gas. It’s not charcoal or just paper,” ani Suzara.
Samantala, iginiit rin ng organizers na na-settle na raw ang mga inisyal na glitches o mga isyu kaugnay sa hosting ng bansa sa SEA Games.
Ani Suzara, naayos na raw ang ilang mga problema gaya ng transportasyon at pagkain sa ginanap na chef de mission meeting dalawang araw na ang nakalilipas.