Mayroong nakahandang contingency plan ang Pilipinas para sa libu-libong mga overseas Filipino workers sa Taiwan sakaling salakayin ng pwersa ng China ang naturang isla.
Ito ang tiniyak ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Silvestre Bello III.
Iniulat din ng opisyal na nananatiling normal ang sitwasyon sa Taiwan subalit nagsumite na ito ng kaniyang assessment kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ang pahayag ni Bello ay kasunod na rin ng pangako ng China na kokontrolin nito ang Taiwan ng pwersahan kung kinakailangan kung saan pinaigting pa ang panghihimasok ng warplanes nito sa air defense zone ng Taiwan nitong mga nakalipas na buwan.
Una naman ng nanindigan ang National Security Council na walang intensiyon ang Pilipinas na makialam sa isyu ng China sa Taiwan isang araw matapos batikusin ni Chinese Ambassador Huang Xilian ang pagpapalawig pa ng Estados Unidos ng access ng mga sundalo nito sa military bases ng Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).