-- Advertisements --

Binubuo na ng Negros Island Region ang akmang contingency plan na ipapatupad para sa 2025 Midterm Elections sa gitna ng nagpapatuloy na pag-alburuto ng bulkang Kanlaon.

Ayon kay Comelec-NIR Regional Director Lionel Marco Castillano, nabigyan ng isang buwang palugit ang security sector sa naturang rehiyon upang bumuo ng contingency plan. Kapag nabuo ang naturang plano, kakailanganin pa aniya itong apprubahan ng NIR joint security coordinating center.

Batay sa inisyal na plano, kung magpapatuloy ang banta at lumalalang aktibidad ng bulkang Kanlaon, isasagawa na lamang ang halalan kung saan naroon ang mga evacuees.

Kung mangyayari ito, kakailanganin anyia ng resolusyon mula sa Comelec para sa tuluyang paglilipat sa mga presinto at maging legal ang isasagawang hakbang.

Hanggang ngayong lingo, mayroon pang kabuuang 3,621 pamilya na pansamantalang naninirahan sa mga evacuation habang ang ilan ay nakikitira sa kanilang mga kamag-anak at kakilala.

Ito ay binubuo ng mahigit 11,371 katao.

Hindi rin inaalis ang posibilidad na mas malawakang paglikas dahil sa patuloy na pagtindi ng mga aktibidad ng bulkan, kasama na ang posibilidad na itaas ang lebel ng alerto sa Level 4.

Samantala, kasama sa election contingency plan na binubuo ay ang pagtukoy sa kabuuang bilang ng mga tropa ng gobiyerno na idedeploy.