Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nakalatag na ang kanilang contingency plan sakaling magkaroon ng kaguluhan sa panahong umiiral ang Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac, pinalakas ng PNP ang kanilang police visibility sa mga lansangan para maiwasan ang posibilidad na may mga insidente ng krimen.
Sa ngayon walang natatanggap na impormasyon ang PNP na may mga kaso ng looting at panggugulo na naitala sa mga komunidad simula ang implementasyon ng lockdown.
“ Napakapayapa at maayos an gating kalagayan hindi lamang dito sa kalakhang Maynila, ganuon rin sa buong Luzon at meron tayong contingency plan kung sakali na may mga insidente ng panggugulo,” pahayag ni BGen. Banac
Una ng pinasinungalingan ng PNP ang lumabas na ulat sa social media na may mga kaguluhan na nangyari at ilang bahay ang ninakawan.
Mariing itinanggi ng PNP na naglabas sila ng advisory kung saan nakasaad dito ang oras para lumabas sa bahay para mamili.
Sinabi ni Banac walang katotohanan ang nasabing advisory.
Aniya, mahigpit na sinusunod ng PNP ang mga inilatag na guidelines ng Inter-Agency Task Force.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang pag- trace ng PNP Anti-Cybercrime Group laban sa mga naglalabas ng mga pekeng balita o impormasyon.