Tiniyak ng gobyerno ng Pilipinas na nakahanda na ang mga contingency plans nito sakaling mas umigting pa ang nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng mga bansang Israel at militanteng grupong Hamas.
Sa isang pahayag ay sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega plantsado na ang mga contigency plans sa ngayon ng mga embahada ng Pilipinas sa Israel, Jordan, at Lebanon sa oras na mas lumala at lumawak pa ang nangyayaring labanan ngayon sa ilang bahagi ng Middle East.
Aniya, patuloy ang isinasagawang pakikipag-ugnayan ng kanilang kagawaran sa naturang mga embahada para sa regular na pagmo-monitor sa mga bansang apektado ng giyera sa Israel.
Samantala, ayon pa kay De Vega, nakatanggap na rin sila ng mga impormasyon mula sa mga kababayan nating mga Pinoy na nasa Israel na nagsasabing nagsimula nang bumalik sa normal ang mga sitwasyon doon partikular na sa ilang mga lungsod ng Israel kabilang na ang Tel Aviv.
Kung maalala, mula pa noong Oktubre 7, 2023 nang unang sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas militants ay patuloy na ang isinasagawang pagsusumikap ng gobyerno ng Pilipinas upang tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino sa nasabing lugar, partikular na sa paglilikas at repatriation ng mga ito pabalik sa ating bansa.