LEGAZPI CITY – Ibinunyag ng Office of the Presidential Assistant on Bicol Affairs (OPABA) na isa sa mga contractor ng Bicol International Airport sa Brgy. Alobo, Daraga, Albay ang muling humiling ng extension sa pagkumpleto ng mga patrabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OPABA Usec. Marvel Clavecilla, tinitimbang pa umano ng Department of Transportation (DOTr) kung papayagan ang hindi na pinangalanang contractor.
Matagal nang delayed ang paliparan at kung papayagan aniya ang extension, posibleng i-adjust na naman ang nakatakdang November 2020 na pagbubukas.
Kailangan lamang umano ng tama at sapat na justification sa request.
Nabatid naman ni Clavecilla na batay sa intelligence report ng militar at National Intelligence Coordinating Agency (NICA), lumalabas na hindi umano mga “tagalabas” ang may kagagawan ng ilang insidente ng panununog ng mga heavy equipment subalit ang mismong contractor.
Matatandaang kabilang ang usaping panseguridad sa mga idinahilan ng contractors upang makahingi ng extension sa completion target.