Binigyang-diin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ang nakatakdang pagtataas sa contribution rate ng kanilang mga miyembro ay magtitiyak na magiging sustainable at malawakan ang ang healthcare benefits ng mga Pilipino.
Simula ngayong buwan, ang premium rate ng PhilHealth members ay magiging 3.50 percent ng kanilang monthly basic salary mula sa 3.00 percent noong nakaraang taon.
Ang kontribusyon ng mga employed members ay pinaghahatian sa pagitan ng mga employees at employers habang sa mga self-paying members, professional practitioners at land-based migrant workers at iba pang direct contributors na walang employee-employer relationship ay kino-compute batay sa kanilang buwanang kita.
Nakapaloob sa Universal Health Care (UHC) law, ang premium rate ay tataas ng 0.5 percent kada taon simula 2021 hanggang maabot ang 5 percent limit sa 2025.
Kinikilala naman umano ang PhilHealth na nahaharap sa pandemic ang bansa pero obligado ang state insurer na ipatupad ang UHC law.
Inihayag ni PhilHealth spokesperson Rey Balena na ang ipatutupad na contribution rate increase ay layunin nitong masu-sustain at mapapalawak pa ang kasalukuyang level ng mga benepisyong tinatamasa hindi lang sa hospitalization kundi maging sa out-patient.