BAGUIO CITY – Muling bubuksan sa pinakamadaling panahon ang night market sa Harisson Road, Baguio City kapag naaprubahan na ang mga plano para sa pagbabalik ng operasyon nito.
Ayon kay market superintendent Fernando Ragma Jr., may nabuo na silang mga plano para sa muling pagbubukas ng night market.
Kabilang sa mga ito ang pagpapatupad sa control mechanism sa mga papasok at lalabas sa night market.
Aniya, posibleng 50 hanggang 150 katao lamang ang papayagang pumasok sa night market at kapag mayroong nang lalabas ay maaari na ring pumasok ang iba.
Sinabi niyang ililipat din ang mga food stalls sa Jadewell Parking at mahahati ang lugar sa dalawa.
Ipinaliwanag niyang gagamitin ang isang linya para sa mga food stalls habang ang isang linya ay magsisilbing “dining area” ng mga kustomers.
Idinagdag ni Ragma na kapag muling buksan ang night market pero may nangyaring problema ay agad din itong ipapasara.
Maaalalang muling binuksan ang night market noong Disyembre 1 pero agad din itong ipinasara dahil sa naging problema sa crowd control.