Isang misa ang iaalay ngayon para sa pumanaw na si Fr. Fernando Suarez o mas kilala bilang healing priest sa Alabang, Muntinlupa City.
Kinumpirma ito ng kanyang tagapagsalita na si Deedee Siytangco matapos ideklarang dead on arrival dahil sa massive heart attack ang pari nitong hapon.
Mismong si Fr. Suarez daw sana ang mangunguna sa misa ngayon gabi sa De La Salle-Zobel campus, dahil malapit lang sa eskwelahan ang inorganisa nitong annual tennis tournament sa mga kapwa pari.
Ayon kay Siytangco, bandang alas-2:00 nitong hapon nang mag-collapse ang pari habang nasa gitna ng tennis game. Agad naman itong naisugod sa malapit na Asian Hospital and Medical Center.
Wala naman daw itong medical record kaugnay ng sakit sa puso. Tanging gout at mataas na uric acid lang daw ang kondisyon nito.
Mauulila ni Fr. Suarez ang kanyang ina at apat na kapatid na nasa ibang bansa. Magdiriwang pa sana ito ng ika-53 taong kaarawan sa Biyernes, February 7.
Kung maaalala, umani ng kritisismo ang umano’y healing powers t at pagbubuhay sa patay ni Fr. Suarez.
Nadawit din ito sa iba’t-ibang kontrobersya matapos akusahan ng sexual abuse at panghu-huthot umano ng pera ng kanyang Missionaries of Mary Mother of the Poor.
Naging usap-usapan naman ang marangyang pamumuhay ng pari kasama ang ilang kaibigan na mayayaman at makapangyarihang personalidad.
Maging ang pagpapatayo nito ng 88-meter tall na istatwa ng birheng Maria na tinawag na Mother of All Asia sa Batangas City.
Noong Disyembre ibinasura ng Congregation for the Doctrine of the Faith ng Vatican ang reklamong sexual abuse laban kay Suarez dahil umatras umano ang complainants ng pari mula sa kanilang akusasyon.