LEGAZPI CITY – Inamin ng isa sa mga convict na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na nagpasya siyang sumuko sa mga otoridad dahil sa pangamba para sa kaniyang buhay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Silvestre Trilles, 63, sinabi nito na nabahala siya sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituturing na fugitive ang mga napalaya sa ilalim ng GCTA kung hindi susuko sa loob ng 15 araw.
Kwento nito, nakatakda na sana siyang palayain sa ilalim ng pamumuno noon ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief at ngayon Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa subalit naipagpaliban ito dahil sa pagtakbo ng senador sa nakalipas na halalan.
Dahil dito, ang napatalsik na si BuCor chief Nicanor Faeldon na aniya ang pumirma sa release order niya.
Dagdag pa ni Trilles na karapat-dapat lang na mapalaya sila dahil sa pagpapakita niya ng magandang pag-uugali gaya na lamang ng hindi pagtakas sa bilangguan ng minsang masunog ang bahagi ng Abuyog Penal Colony ito at masira ng nakalipas na mga sama ng panahon.
Malaki naman ang pasasalamat ng Daraga Municipal Police sa naging pasya ni Trilles dahil sa pakikipagtulungan nito at nabatid na ito ang pinakaunang sumuko sa lalawigan ng Albay matapos ang direktiba ni Pangulong Duterte.
Samantala, nakatakda rin umanong sumuko ang pinsan nitong dating CAFGU member na napalaya rin sa ilalim ng GCTA sa susunod na linggo.