-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon Bureau of Corrections (BuCor) na pumanaw na kaninang umaga sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City ang kontrobersiyal na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Kung maalala si Sanchez, 72, ay hinatulan sa rape-slay case sa estudyante ng UP Los Banos na si Eileen Sarmenta at pag-torture at pagpatay kay Allan Gomez.

Sanchez BuCor
Ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez

Ang impormasyon sa pagkamatay ni Sanchez ay nagmula kay BuCor spokesperson Gabriel Chaclag.

Ayon sa kanya si Sanchez ay inabutan na lang sa kanyang selda na hindi na gumagalaw dakong alas-7:00 ng umaga kanina.

Dahil dito, isinugod siya ng mga kasamahang bilanggo sa NBP hospital pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Nilinaw naman ni Chaclag na si Sanchez ay meron na ring karamdaman tulad ng chronic kidney disease, hypertension, gastroenteritis, prostate problems, at asthma.

Noong nakaraang taon, dinala rin ito sa ospital nang magpakita ng simtoma ng COVID-19 nang magkaroon ng outbreak ng virus sa pasilidad.

Si Sanchez at kanyang mga bodyguards ay na-convcit noong taong 1993.