Inamin ng testigo ng prosekusyon na hindi niya kilala at wala siyang ibinibigay na pera kay Sen. Leila de lima, sa patuloy ng pag-dinig sa kaso sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 kaugnay sa kasong pakikipagsabwatan sa iligal na bentahan ng droga sa Bilibid.
Ayon kay Atty. Boni Tacardon, legal counsel ni De Lima, kinumpirma sa korte ni Vicente Sy, isang convicted drug lord na kailanman ay hindi niya binigyan ng pera o nakausap ang senadora, taliwas sa unang pahayag nito na nagbigay siya ng salapi para pondohan ang kampanya ng mambabatas noong 2016.
“Si Vicente Sy ay tumestigo noon at sinabi niya na nag-ambag daw siya ng halagang 500k para daw sa kampanya ni Senator De Lima noong 2012. Pero sa aming pagtatanong, sinabi niya na kailanman ay hindi siya nagbigay ng pera kay Senator De Lima. Sinabi rin niya na hindi niya kilala si De Lima,” ayon kay Tacardon.
Si Sy ay kabilang sa mga high profile inmates na may maluhong pamumuhay sa New Bilibid Prison (NBP) bago pangunahan ng noo’y Justice Secretary De Lima ang pag-raid at pagpapagiba sa mararangyang kubol dito noong 2014.
Dumalo si De Lima, ang pinaka-prominenteng bilanggong politikal ng administrasyong Duterte, sa nasabing hearing sa pamamagitan ng teleconferencing sa Custodial Center, Camp Crame, Quezon City kung saan siya kasalukuyang naka-piit.
Iprinisenta din ng prosekusyon bilang testigo sa naturang pagdinig ang abogado mula sa Public Attorney Office (PAO) na si Atty. Rigel Salvador at inamin din nito na wala siyang personal na nalalaman sa diumano’y pagkakasangkot ni De Lima sa ilegal na transaksyon ng droga sa Bilibid.
Ayon kay Tacardon, si Salvador lang ang nag-notaryo ng sinumpaang salaysay ni Jaybee Sebastian na nag-uugnay kay De Lima sa ilegal ng droga. Sinasabi ng prosekusyon na ang affidavit na ito ay pinirmahan daw ni Sebastian anim na araw bago siya naiulat na namatay dahil sa COVID-19 noong Hulyo 18.
“Sa aming pagtatanong kay Atty. Salvador, inamin niya na hindi naman siya ang gumawa ng nasabing Salaysay ni Jaybee Sebastian at ang tangi niyang partisipasyon dito ay ang mag-notaryo lang. Pinatotoo niya na hindi niya alam ang laman nito at hindi niya alam kung lahat ng nakasaad dito ay totoo,” saad ni Tacardon.
Sinab pa ni Tacardon, na kinumpirma ng isa pang testigo ng prosekusyon mula sa BuCor na si Dennis Alfonso na wala siyang nakuhang ebidensya mula sa kanilang isinagawang Oplan Galugad noong 2016 na magdidiin kay De Lima sa mga paratang laban sa kanya.
Naghain si De Lima ng dalawang magkahiwalay na Motion for Bail sa parehong kaso ng Conspiracy to Commit Illegal Drug Trading, kung saan iginiit niya ang mahinang kaso laban sa kanya. Nagpapatunay lamang umano ang kawalan dito ng ebidensya sa kanyang pagiging inosente. Isinumite na ang mga nasabing Motion for Bail para sa resolusyon ng Korte.
Nitong nakaraang Linggo ,nilinaw din ni Artemio Baculi Jr. imbestigador ng Anti Money Launderinc Council (AMLC) at ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Forensic Exminer Krystal Caseñas, sa naturang korte na walang koneksyon o transaksyon si De Lima sa mga drug convicts na nasa loob ng New BIlibid Prison (NBP).