Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na pati ang mga hinatulan sa kontrobersyal na 1997 Chiong sisters case ay posibleng makinabang sa batas na nag-a-adjust sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng mga preso.
Kung maaalala, sinentensyahan ng death penalty ang umano’y mastermind na si Paco Larrañaga at anim na iba pang akusado matapos hatulang guilty sa pagdukot at pag-rape sa magkapatid na sina Marijoy at Jacqueline Chiong sa Cebu.
“Yung pinaguusapan ay kung saan maiimprison yung person. So, in this case meron tayong agreement with Spain kaya doon sya pero yung substantive law that will govern is still the Philippine law. So, in my opinion, he will still benefit because he was tried, prosecuted and sentenced under Philippine laws,” ani Guevarra.
“As long as they are eligible, they will benefit from what is written under the law.”
Bagamat inapela ito ng kampo ng mga akusado, pinagtibay pa rin ng Korte Suprema ang hatol na guilty ng mababang hukuman.
Sa kabila nito hindi rin naigawad ang dapat sanang lethal injection sa pitong suspect matapos ibasura ang death penalty sa Pilipinas noong 2006.
Dahil dito, na-convert sa life imprisonment o habang-buhay na pagkakakulong ang sintensya ng mga hinatulan.
Sa ngayon patuloy na sinisilbi ni Larrañaga sa Spain ang kanyang sintensya dahil sa Transfer of Sentence Agreement ng pagiging dual citizen.
Nananatili naman sa New Bilibid Prison ang anim na kapwa hinatulang suspect.