Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi titigil ang mga sundalo sa pagtugis sa mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon maging ang iba pang lider ng komunistang grupo.
Ayon kay AFP spokesperson Marine Maj/Gen. Edgard Arevalo, ang hatol sa mag-asawang Tiamzon ay tagumpay umano ng pamilya ng kanilang mga naging biktima ng walang awang pagpatay, panununog, pangingikil, pananambang gayundin ng pambobomba at iba pang kahalintulad na krimen.
Sinabi ni Arevalo, pursigido ang militar na arestuhin ang mag-asawa sa lalong madaling panahon dahil alam na raw nila ang kinaroroonan ng mag-asawa.
Sinisiguro ng AFP na babalik daw ang mga ito sa kulungan para mapanagot ang kanilang ginawang mga kasalanan.
Nanawagan naman ang AFP sa sambayanang Pilipino na makiisa para matuldukan na ang armadong pakikibaka sa bansa.
Hinimok din ni Arevalo ang ilan pang mga miyembro ng CPP-NPA na iwan na ang armed struggle at magbalik loob sa gobyerno para makapamuhay na ng normal.
Samantala, kapwa ikinatuwa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (PNP) ang hatol na guilty verdict ng korte sa mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon dahil sa kasong kidnapping na isinampa ng isang sundalo nuong 1998 sa Quezon.
Ayon kay PNP spokesman B/Gen. Ildebrandi Usana, ang hatol ng korte ay patunay lamang na epektibong umiiral ang katarungan sa bansa.
Ipinakikita rin nito na mahuhusay ang mga taga-usig ng pamahalaan matapos makapaglatag ng matitibay na mga ebidensya na nagdiin sa mag-asawa sa kanilang ginawa.
Hatol na reclusion perpetua o pagkakakulong ng 40 taon at multa na nasa mahigit P200,000 ang kabilang sa parusang iginawad ng korte laban sa mag-asawa.