-- Advertisements --

Pinagtibay ng Sandiganbayan ang guilty verdict laban kay Mayor Jerry Pasigian ng Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya na may kaugnayan sa umano’y paggamit nito ng government-owned sport-utility vehicle para sa pansariling gamit lamang.

Ayon sa Fifth Division, wala silang nakikitang dahilan para baligtarin ang kanilang desisyon noong December 2018 nang hatulang guilty sa kasong graft at malversation ng public property si Pasigian.

Nagkaroon daw kasi ng bad faith nang binili ni Pasigian ang isang unit ng 2003 Nissan Patrol mula sa isang nagngangalang Gilbert Arellano na nagkakahalaga ng P1.29 million noong Abril 2009 na walang public bidding.

Batay sa mga ebidensiya, tumanggi raw ang naturang opisyal na i-turnover ang nasabing sasakyan sa lokal na pamahalaan.

Ito ay dahil nakarehistro ang sasakyan sa ilalim ng kanyang pangalan sa halip ng sa munisipalidad, at ginamit din ito para sa pansariling interes kahit pa expired na ang kanyang termino noong Hunyo 30, 2013.