Nag-iikot na rin ang World Health Organization (WHO) kasama ang iba pang mga international humanitarian organizations sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Sa kanilang Tiwtter account, sinabi ng WHO na binibisita ng kanilang Emergency Response Team ang iba’t ibang probinsya sa Visayas at Mindanao para malaman kung ano ang mga “priority needs” ng mga biktima ng bagyo.
Kabilang aniya sa mga higit na kailangan ng mga apektadong residente ay mga pagkain, maiinom na tubig, pansamantalang matutuluyan, langis, hygiene kits, medical supplies, at protective services.
Ibinahagi rin ng WHO na maraming lugar pa rin sa ngayon ang walang kuryente, bagsak ang linya ng komunikasyon, at walang access sa maiinom na malinis na tubig.
Sa Surigao del Norte, sinabi ng WHO na ang Provincial Sanitary Office doon ay nagsagawa ng orientation sa mga munisipalidad hinggil sa water disinfection, sanitation at hygiene, lalo na sa mga evacuation ares.
Sa kanilang tala, nasa 1.8 million katao ang apektado nang pananalasa ng Bagyong Odette mula sa Regions V, VI, VII, X, XI, IV-B at Caraga.