-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ng ilang Filipino participants ang mga napagkakasunduan ng iba’t ibang bansa na kalahok sa nagpapatuloy na 26th UN Climate Change Conference of the Parties (COP26) sa Glassgow, United Kingdom.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jefferson Estela, isa sa mga kalahok sa naturang international conference, isa sa mga napagkasunduan ng mga lider ng participating nations ang pagtigil ng pagpuputol ng kahoy o deforestation pagdating ng taong 2030.

Inaasahang malaki ang magiging impact nito sa paglutas sa problema ng mundo sa climate change.

Nabatid na nasa 19 ang mga delegado ng Pilipinas sa COP26 sa pangunguna nina Department of Finance (DOF) Sec. Carlos Dominguez, Secretary of Foreign Affairs Teddy Locsin Jr., Chief of Climate Change Service Albert Magalang at iba pa.

Kaugnay nito, bilang kinatawan ng isang youth coalition umaasa si Estela na sa kritikal na pagkakataon na ito, magagawa ng pamahalaan na makipag negosasyon sa ibang mga international participants upang maipakita na seryoso ang bansa sa paglaban sa climate change.

Iginiit rin ni Estela ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga kabataan dahil sa mata ng ‘climate crisis’ ay walang pinipiling edad o estado sa buhay dahil isa itong seryosong banta na kailangang pagtulungan ng lahat.