-- Advertisements --

Pormal ng sinimulan ang joint Cope Thunder exercise sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ngayong araw ng Lunes, Abril 7 sa Clark Air Base sa Pampanga.

Ayon sa Philippine Air Force (PAF), ang naturang bilateral exercise ay sponsored ng US Pacific Air Forces (PACAF) na tinawag na Cope Thunder Philippines 25-1. Magtatagal ang naturang pagsasanay sa loob ng dalawang linggo hanggang sa Abril 18.

Kalahok sa pagsasanay ang kabuuang 729 personnel ng PAF kabilang ang apat na FA-50PHs, tatlong A-29B Super Tucanos, isang S-76A at isang S-Huey.

Sa panig naman ng US, nasa 250 PACAF personnel ang sasama sa pagsasanay kabilang ng 12 F-16 fighter jets.

Makikibahagi din ang counterparts ng PAF sa Malaysia, Thailand, Australia, Japan at Indonesia sa pamamagitan ng international observer program.

Isasagawa naman ang pagsasanay sa iba’t ibang mga lokasyon sa Northern Luzon, gaya ng Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Clark Air Base sa Mabalacat City, Pampanga; at Colonel Ernesto Ravina Air Base sa Capas, Tarlac.

Sa isang statement, sinabi ng PAF na layunin ng Cope Thunder exercise ngayong taon na mag-develop ng asymmetric warfare capabilities para sa force projection at area denial, pagpapahusay pa ng conventional capabilities para matiyak ang superiority sa air operations, pagpapahusay ng kooperasyon kasama ang international at security partners para mapabuti pa ang operational coordination, kahandaan, pagiging epektibo at istratehikong “deterrence” at mapataas pa ang operational readiness at pagiging epektibo ng kanilang misyon.