BAGUIO CITY – Nakatakda na ang pagpupulong ng mga kongresista ng Cordillera regiona na uupo sa 18th Congress.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay incoming Benguet Rep. Nestor Fongwan Sr., sinabi niya na may plano na silang mga kongresista ng mga lalawigan ng Cordillera na magkikita para pag-usapan at magkaisa sila sa susuportahan nilang lider ng Kamara.
Sinabi rin niya na ang speakership sa Kamara ay para dapat sa mga senior members ng Lower Chamber.
Dinagdag niya na hinihintay pa niya at ng mga kasamahan sa PDP-Laban kung sino talaga ang kanilang iindorso.
Tiniyak pa nito na hindi siya tatanggap ng anumang suhol kapalit ng kanyang suporta dahil ang suporta niya ay depende sa usapan ng kanilang partido.
Ipinasigurado naman ni Baguio City Cong. Mark Go na wala siyang alam sa sinasabing suhol sa pagpili sa House speaker.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na pipiliin niyang mabuti ang kanyang susuportahan at kailangang epektibo at deserving na maging lider ng Kamara.
Gayunman, susuportahan din aniya ang anumang desisyon ng kanilang partido sa pagpili ng House speaker.
Naniniwala rin ito na kaya ni incoming Taguig City-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na maging lider ng Kamara dahil sa dami ng karanasan nito sa pulitika at sa paninilbihan sa bansa
Suportado rin ni Kalinga Cong. Jesse Mangaoang si Cayetano kung sakali bilang susunod na House speaker.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na hinihintay na lamang niya ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa pag-upo ni Cayetano bilang next speaker.
Dinagdag niya na susundin niya ang desisyon ng Nationalista Party kung saan siya nabibilang sa kabila ng nakatakdang pakikipag-usap niya sa ibang mga kongresistang humihingi ng kanyang suporta.