BAGUIO CITY – Lalo pang hinigpitan ng Department of Agriculture (DA) Cordillera ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoints sa Cordillera Administrative Region (CAR) para hindi makapasok ang African Swine Fever (ASF) sa mga alagang baboy.
Ito ay kasunod nang kumpirmasyon ng DA na positibo sa ASF ang samples ng ilang mga namatay na baboy sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay DA-Cordillera Regional Director Cameron Odsey, binabantayan ng mga kawani ng ahensiya ang mga quarantine checkpoints sa Cervantes Road, Kennon Road, Naguilian Road at Marcos Highway Road na mga pangunahing kalsada sa rehiyon.
Nakaalerto rin ang DA sa monitoring sa pagbiyahe sa mga karne ng baboy sa Kalinga, Abra, Apayao, Ifugao at Mountain Province.
Kaugnay nito, pinawi ng opisyal ang pangamba ng ilang Cordillerans sa pagkonsumo sa karne ng baboy at sinabi niya na hindi madadapuan ng ASF ang mga tao.