-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang 24/7 na pagbabantay ng mga awtoridad sa lalawigan ng Benguet para matiyak na hindi makapasok ang African Swine Fever (ASF).

Ayon kay PCapt. Salvador Annas, hepe ng Sablan Municipal Police Station, magdamag ang kanilang pagbabantay sa lahat ng entry points para walang karne ng baboy na apektado ng ASF ang maipasok sa kanilang lugar.

Sinabi niya na kaisa nila ang Department of Agriculture-Cordillera na nagbabantay sa mga quarantine checkpoints.

Binanggit niya na noong Oktubre 4 ay mayroon silang nasabat na 600 na kilo ng karne ng baboy dahil walang maipakitang kaukulang dokumento ang nagbiyahe.

Una nang tiniyak ng DA na nananatiling ASF-free ang lungsod ng Baguio, lalawigan ng Benguet at ang buong Cordillera Administrative Region.