BAGUIO CITY – Inilarawan ng Police Regional Office – Cordillera at ng Armed Forces of the Philippines na “isolated” ang dalawang insidente na nagresulta ng “minimal” na pagkagambala sa kapayapaan at kaayusan sa dalawang voting precincts sa Abra sa mismong araw ng halalan.
Ayon kay Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, regional director ng Cordillera PNP, agad namang nakontrol ang mga nasabing insidente na naitala sa Bangued, Abra kaya generally peaceful pa rin ang katatapos na halalan sa kabuuan ng rehiyon.
Aniya, noong mismong halalan ay nakapagtala ang mga pulis ng apat lamang na insidente ng umano’y harassment, commotion, paglabag sa election liquor ban at vote buying.
Dinagdag pa niya na kabuuang 64 katao ang nahuli sa limang insidente ng paglabag sa liquor ban at naitala ang mga ito sa Baguio City at Mountain Province habang kabuuang 37 na kaso ng umano’y vote buying ang naireklamo sa mga otoridad ngunit iisa lamang ang na-verify kung saan isang suspek ang nahuli.
Maaalalang mahigit 7,900 na mga pulis at mga sundalo ang na-deploy sa buong rehiyon ng Cordillera para sa katatapos na midterm elections.
Patuloy din aniyang babantayan ng mga pulis at mga sundalo ang kanilang area of responsibility lalo na ang pagbigay seguridad sa mga electoral boards at ng personnel ng Comelec hanggang sa matapos lahat ng bilangan.
Ipinapaalala pa ni Dickson na magtatapos lamang ang gun ban sa June 12, 2019.
Sinabi naman ni Comelec – Cordillera Regional Election Director Maria Juana Valeza na successful at generally peaceful ang katatapos na halalan maliban lamang sa ilang glitches sa mga vote counting machines (VCMs) at SD cards sa ilang polling precincts.
Inamin naman niya na ang problema sa mga SD cards at VCMs ang nag-antala sa election process.
Ipinagmalaki pa nito na tumaas ang voter turnout ngayong halalan dahil sa napagandang peace and order situation sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera, lalo na sa Kalinga at Abra.