BAGUIO CITY – Ipinagmamalaki ngayon ng Cordillera ang artist nito na tinaguriang “The Carrotman of the Philippines” na nakasungkit ng award sa prestihiyosong International Film Festival Manhattan (IFFM) Autumn 2021 New York.
Napanalunan ni Jeyrick Sigmaton ang Best Actor sa Short Film Category ng nasabing filmfest.
Tinalo nito ang co-nominee sa Best Actor Category na si American actor Angelo Reyes ng pelikulang “21st Colonial”.
Batay sa kasaysayan ng IFFM New York, ito ang unang pagkakataon na nanalo ng award ang isang Cordilleran.
Binigyang-buhay ni Sigmaton ang pangunahing karakter sa short film na “Dayas” na hango sa totoong karanasan, sinulat at dinirehe ni Direk Jianlin De Los Santos Floresca.
Ayon naman kay Direk Jianlin, umiikot ang kwento sa buhay ng mga small-scale miners sa Itogon, Benguet, partikular sa mga minerong sina Bantay (Sigmaton) at Hakob (Kel Vicente Aguilan).
Mapapanood dito ang mga hamon sa pagbabago ng panahon, pagpapatuloy sa mga kaugalian at tradisyon at ng hindi inaasahang trahedya.
Napili ang “Dayas” sa official selection ng Short Film Category at nakalaban nito ang mga pelikula ng mga bago at upcoming directors at mga batikang direktor ng pelikula mula sa ibat-ibang bahagi ng mundo.