BAGUIO CITY – Hinirang bilang bagong WBC Asia featherweight champion ang Cordilleran boxer na si KJ Natuplag matapos nitong pataubin sa pamamagitan ng solid left hook sa 2nd round ng laban ang Thai boxer na si Attanon Kunlawong na ginanap sa Dubai, UAE.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 25-year old Pinoy boxer, sinabi nito na hindi niya inaasahan na magiging mabilis lamang ang kanilang laban.
Dagdag pa nito na nagbunga ang kanyang puspusang pag-eensayo na ginawa para talunin si Kunwalong.
“Sobra po na mahalaga [ang katatapos na laban], kasi ito ang kauna-unahang WBC na nakuha ko tapos nakasali na ako sa rating ng Asia. Ito ang pangarap ng bawat Filipino boxer, ang makakuha ng WBC belt. Para sa akin, natupad na ang pangarap ko.”
Si KJ ay tubong Ifugao province at nagsisilbi ngayon bilang fitness at boxing trainer sa Dubai.
Sa kasalukuyan, si KJ ay mayroon ng 10 panalo, pitong talo at dalawang draws sa kaniyang professional boxing career.
Sunod nitong paghahandaan ang unang pagkakataon nitong dedepensahan ang kanyang boxing belt sa Setyembre ngayong taon.