VIGAN CITY – Sabik na umanong lumaban at makapag-ambag sa dumaraming gintong medalya ng Team Philippines ang mga Cordilleran fighters na lalahok sa kickboxing ng nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Renalyn Dacquel,na tubong- Manabo, Abra na isa sa mga Cordilleran fighters na sasabak sa kickboxing sa 48 kgs- category na tiyak umano na makakasungkit ang kanilang team ng gintong medalya dahil mahigpit ang kanilang pagsasanay sa Cambodia at Taiwan.
Ayon kay Dacquel na first time pa lamang sasabak sa nasabing regional biennial meet, malaking karangalan umano ang makapag-ambag ng gintong medalya sa Team Philippines kung kaya’t gagawin nito ang lahat ng kaniyang makakaya upang magtagumpay sa kaniyang lalahukang kategorya.
Bukas na ang simula ng nakatakdang laban ng mga kickboxers kaya’t tuloy- tuloy pa rin ang kanilang pagpapakondisyon nang masigurong nakahanda na silang patumbahin ang kanilang mga kalaban.