-- Advertisements --

CEBU — Naging matiwasay ang ginanap na coronation night ng muling pagbabalik ng Pasigarbo sa Sugbo Festival Queen 2022 na dalawang taong naantala dahil sa Covid-19 pandemic.

Sa kaganapan kagabi, nasungkit ni Mia Loureen Tamayo ng Carcar City ang korona bilang Pasigarbo sa Sugbo Festival Queen ngayong taon.

Kinatawan ni Tamayo ang sikat na Kabakaban Festival ng lungsod at tinalo ang 39 na iba pang kandidato, na nagkamit ng magkasunod na tagumpay para sa Carcar City sa kompetisyon ng Pasigarbo sa Sugbo Festival Queen.

Si Marla Alforque ng Carcar City na siyang 2019 Pasigarbo sa Sugbo Festival Queen at Gov. Gwendolyn Garcia ang naglagay ng korona kay Tamayo sa coronation night na ginanap sa Cebu City Sports Center, Biyernes, Agosto 26, 2022.

Bukod dito, nakakuha din si Tamayo ng dalawang espesyal na parangal para sa Best in Group Production Presentation at Best Solo Performer.

Samantala, nasungkit ni Quitari Semblante ng Municipality of Liloan -Rosquillos Festival ang Best in Costume at pumwesto bilang 4th runner-up; Justine Joy Mañacap ng Municipality of Minglanilla – Sugat Kabanhawan Festival bilang 3rd runner-up; Lorraine Hann ng Municipality of Barili – Panumod Festival bilang 2nd runner-up at Miss Photogenic Award; at 1st runner-up ang kandidatang si Krisha Andrea Pekitpekit sa Municipality of Cordova – Dinagat Festival.

At si Chella Grace Falconer ay ginawaran ng Miss Friendship sa Mandaue City – Panagtagbo Festival.