(Update) BACOLOD CITY – Aminado ang alkalde ng lungsod ng Bacolod na kakaiba ang isinagawang mass wedding kahapon kung saan 220 couple ang ikinasal.
Ayon kay Mayor Evelio Leonardia, sinadya na 220 pares ang ikakasal dahil ibinatay ito sa petsa na Pebrero 20, 2020 o 02-20-2020, na hindi na mauulit.
Ito rin aniya ang unang pagkakataon na nagsuot ng face mask ang mga bride at groom na libre ang naging pag-iisang dibdib.
Dahil dito kaya maituturing din daw itong Maskara Festival kung saan kilala ang Bacolod City.
Ang face masks ay ipinamimigay ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng City Health Office bilang bahagi ng precautionary measures laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Samantala, kinilalang oldest couple sina Jennifer, 62-anyos, at Rolly Dela Cruz, 60, na 38 taon nang nagsasama bago nagpakasal.
Isinagawa ang seremonya sa lobby ng Bacolod Government Center.