KALIBO, Aklan – Inaalam na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang kabuuang epekto ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV ARD) sa isla ng Boracay.
Ayon kay Malay acting Mayor Frolibar Bautista, malaki aniya ang ibinaba ng tourist arrivals sa nasabing isla mula ng pumutok ang usapin sa nakamamatay na respiratory virus kung saan, may tatlong kaso na ang Pilipinas at isa rito ang nasawi. Ang pasyente ay nagmula sa Wuhan City.
Sa katunayan sarado na ang ilang Chinese establishments dahil sa biglaang pagkawala ng kanilang mga parokyano mula nang ipinatupad ang suspension sa international flights mula sa maraming probinsya sa China.
Aminado ang alkalde na isa ang mga Chinese tourist na bumubuhay sa sektor ng turismo sa bayan at sa isla kung saan dinomina ng mga ito ang halos 50 porsiyento ng 434,175 na dayuhang turista na pumasok sa Boracay noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin ang alkalde dahil patuloy ang pagdating ng mga Koreans at iba pang nationalities upang magbakasyon sa tanyag na isla.
Pinapayuhan ang mga ito na magsuot ng surgical mask, panatiling malinis sa katawan at gumamit ng alcohol upang makaiwas respiratory virus kahit nananatiling nCoV free ang buong lalawigan.