Kinumpirma ng South Africa health ministry na aabot ng 100,000 ang backlog ng bansa para sa mga unprocessed coronavirus tests sa kabila ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa buong Africa.
Patunay lamang daw ang mga backlogs na ito ng kakulangan ng testing kits sa buong mundo.
Ayon sa health ministry, inuunang isailalim sa coronavirus tests ang mga pasyente at health workers na kasalukuyang naka-admit sa ospital.
Mahigit 655,000 katao na ang isinailalim ng South Africa sa naturang test habang 27,403 naman ang naitala nitong kaso.
Ayon naman sa World Health Organization, nasa 3,400 healthcare workers na sa buong Africa ang infected ng virus.
Sinabi ni John Nkengasong, director ng Africa Centers for Disease Control and Prevention, na kakailanganin na ng Africa na gumamit ng testing kits na gawa sa kanilang bansa dahil hindi na raw nito kakayanin pa na mag-import mula sa ibang lugar.