Panawagan ni House of Representatives Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan sa National Economic and Development Authority na magsagawa at ipasa ang detalyadong report patungkol sa benepisyo pagdating sa foreign direct investments, bilang ng maibibigay na job opportunity, at incremental tax revenues na mabubuo sa pagbabagong gagawin sa 1987 Constitution.
“If we really want to tweak the economic provisions of the Constitution to draw in more foreign investors, then we would need a baseline comparison of cost and benefit,” ayon kay Libanan.
Dagdag pa niya, isa itong paraan upang matiyak kung mas lamang ba ang benepisyo nito kumpara sa magiging gastusin ng bansa.
Sa kabilang dako naman, hinimok rin ng mambabatas ang Department of Budget and Management na magkaroon ng reliable estimates.
Noong nakaraang linggo, matatandaan na aprubado sa house committee ng constitutional amendment ang panawagan sa pagbuo ng constitutional convention para bagohin ang 1987 constitution.
Sa kasalukuyang konstitusyon, nakasaad dito na hindi pinapayagan ang mga foreign ownership sa iba’t ibang industriya tulad na lamang ng mass media.
Hindi rin pinahihintulutan sa nasabing konstitusyon ang pagkakaroon ng partisipasyon ng mga banyaga sa marine resources ng bansa.
Nasa 30%-40% lamang ang maaaring maging parte ng foreign investors sa operasyon ng public utility, educational institutions, private radio communications network, land ownership pati na rin sa advertising.