BAGUIO CITY – Muling mananakot at magpapasaya ang mga estudyante ng University of Baguio ang mga manonood sa ika-apat na halloween torch parade na tinatawag na Karkarna ti Rabii Costume Parade o Mystical Creatures of the Night sa kahabaan ng sikat na Session Road sa Baguio City sa darating na Biyernes, bago sumapit ang paggunita sa All Saint’s Day at All Soul’s Day.
Inaasahang libu-libong mga residente at mga turista ang manonood sa nasabing parada kung saan mabibigyang buhay ang mga sikat na folk tales at legends ng Pilipinas.
Kalahok sa parada ang mga estudyante ng high school at college na may kanya-kanyang tema sa kasuotan at partisipasyon na pawang may kinalamaan sa halloween o katatakutan.
Itatampok sa parada ang mga creatures na kapre, nuno, tiyanak, tahamaling, tamawo, tiktik, engkanto, white lady, pasatsat, kulam, diwata, manananggal, bungisngis, bampira at iba pang mga kinatatakutang dark elements.
Layunin ng pamunuan ng unibersidad na sa kabila ng tampok na kababalaghan at katatakutan ng Karkarna Festival ay mabigyan ng karagdagang kamalayan at pagpapahalaga ang publiko sa mga oral traditions ng bansa partikular ng mga alamat at kwentong bayan sa iba’t ibang lalawigan ng bansa.
Layunin pa nito na hindi lang takutin o pasayahin ang mga manonood kundi para ipakita ang katutubong paggunita ng mga Pinoy sa mga pumanaw na mahal sa buhay bago pa man sumapit ang araw ng mga kaluluwa.
Samantala, isasara ang kabuuan ng Session Road mula alas-siete ng umaga hanggang alas singko ng hapon kung saan may mga isasagawa munang aktibidad bago ang inaabangang parada ng Karkarna Festival.