CENTRAL MINDANAO- Sinimulan na sa bayan ng Aleosan Cotabato ang Karne at Papel para sa Kinabukasan advocacy na itinaguyod ni Cotabato 1st District Board Member Rosalie “Rose”Cabaya katuwang ang may-bahay nito na si dating Board Member Loreto “Nonoy” Cabaya.
Sa pahayag ni BM Cabaya, sa naturang adbokasiya ay magkakaroon ng barter o trade kung saan sa bawat ream ng bond paper ay papalitan ito ng 1.25 kilos ng karne ng baboy na mula mismo sa hog business ng pamilya.
Dagdag ni Cabaya, layon nito na makalikom ng mga bond papers para maibigay sa mga paaralan sa bayan ng Aleosan upang magamit sa pag-imprinta ng mga modules na isa sa mga learning modalities ng mga mag-aaral ngayong darating na pasukan sa Oktubre 5.
Sa ngayon, nasa 85 reams na ng bond paper ang nai-barter ni Cabaya kapalit ng higit 100 kilo ng karneng baboy matapos itong makipag-ugnayan sa mga Brgy. Council, local officials at pribadong indibidwal na nakiisa sa adbokasiya nito.
Ani Cabaya, makakabenepisyo nito ang nasa 15 mga paaralan sa bayan kabilang ang mga elementary schools ng Aleosan Central, Dualing, Bagolibas, Taguan, Katalicanan, Kawilihan, Tomado, Balisawan, Sta. Cruz at New Leon at ang pang-sekondaryang paaralan ng Aleosan National, Dualing, Katalicanan, Cawilihan at Tomado.
Bawat nabanggit na mga eskwelahan ay makakatanggap ng 5 reams ng bond paper.
Samantala, patuloy na nananawagan si Cabaya sa mga nais maging bahagi ng adbokasiya na bukas pa din ito upang makipag-barter ng karneng baboy kapalit ang reams ng bond paper.