CENTRAL MINDANAO – Ganap nang naisalin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Cotabato City at 63 barangays sa probinsya ng Cotabato matapos ang isinagawang signing and handover ceremony.
Nanguna si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa programa sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City kasama si DND Secretary Delfin Lorenzana at PNP chief Gen. Debold Sinas kung saan sila mismo ang nag-turn-over sa 63 barangays sa North Cotabato at Cotabato City.
Dumalo rin sa turn-over ceremony sina DILG 12 Regional Director Josephine Leysa, MILG-BARMM Minister Atty Naguib Sinarimbo, BARMM Interim Chief Minister Murad Ebrahim, Executive Secretary Abdulraof Macacua at ilan pang opisyal ng Bangsamoro government.
Ni isa ay walang dumalo sa mga lokal na opisyal sa lungsod ng Cotabato dahil sa paninindigan ni Mayor Atty Cynthia Guiani-Sayadi sa isinampang petisyon sa Korte Suprema na kumukwestyon sa resulta ng plebisito.
Sinabi ni Secretary Año na gagampanan ng Ministry of Interior and Local Government o MILG-BARMM ang lahat ng report, monitoring at superbisyon sa Cotabato City at 63 barangays sa North Cotabato.
Idinagdag pa nito na kasama sa mga isinalin ang lahat ng mga programa at assets ng iba pang mga opisina sa Cotabato City at ang mga empleyado ng DILG Cotabato City Field Office ay ibabalik na sa DILG XII sa Koronadal City at i-assume na ito ng MILG-BARMM.
Sapat na anya ang resulta ng plebisito noong Enero 21, 2019 kung saan mismong ang taongbayan ang nagsalita sa pamamagitan ng pagboto ng “YES to Inclusion” ng Cotabato City.
Nakasalalay anya ang kinabukasan hindi lamang ng Bangsamoro kundi buong Mindanao sa bawat kilos at desisyon bilang tagapagpatupad ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Aminado si Secretary Año na hindi madali ang pagsasakatuparan ng mga pagbabago at proseso dulot ng paglilipat ng pamamahala sa lungsod sa BARMM at 63 Brgy sa probinsya ng Cotabato.
Tiniyak naman ng kalihim na mananatiling nakatutok ang DILG Central Office sa Cotabato City kasabay ng panawagan na sana ay maayos din sa lalong madaling panahon ang hindi pagkakaunawaan ng City LGU at ng BARMM government.