Kapwa tinukoy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang siyudad ng Cotabato na isa sa mga lugar na critical areas sa nalalapit na plebisito ng Bangsamoro Organic Law.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, dahil sa intense political rivalry sa siyudad kaya inilagay nila bilang “hotspot area” ang Cotabato City.
Aniya, kanila nang kinausap ang dalawang pulitikong nagkakaalitan dahil ang isa ay pabor sa BOL habang ang isa ay tutol.
Bukod sa political rivalry, mahigpit din binabantayan ng militar ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na tinukoy na spoiler ng BOL.
Sinabi naman ni 6th Infantry Division (6ID) Commander MGen. Cirilito Sobejana, nakatutok ang kanilang puwersa sa lungsod.
Pinaigting din ng militar ang kanilang intelligence gathering para hindi na maulit pa ang nangyaring pagsabog sa Cotabato na isang terror attack.
Sa panig naman ni AFP chief Lt. Gen. Benjamin Madrigal, nasa 10,000 mga sundalo ang magbibigay seguridad sa plebisito.
Naka-standby na rin ang kanilang tinatawag na follow-on forces sakaling kakailanganin.
Sa panig naman ng PNP, magpapadala sila ng isang batalyon sa siyudad.
Ayon kay PNP chief PDGen. Oscar Albayalde ang deployment ng isang batalyon ng SAF ay magsisilbing augmentation force sa mga units doon.