-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Upang lalo pang mapalago ang komersyo sa lalawigan, hinihikayat ngayon ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang mga mamamayan na suportahan ang mga negosyong lokal at tangkilikin ang kanilang mga produkto at serbisyo.

Ito ang naging pahayag ng gobernadora sa kanyang mensahe sa pagdalo nito sa 1st General Assembly ng Galing Sayap Group of Entrepreneurs, isang organisadong grupo ng micro- small-medium enterprise (MSME) sa bayan ng Midsayap.

Binigyang diin ni Governor Mendoza ang halaga ng suporta sa mga lokal na mamumuhunan malaki man o maliit upang lalong mapaunlad ang kalakalan sa kanilang lugar at sa buong lalawigan.

Inilahad din nito ang ilang mga programang ipinapatupad sa probinsiya para sa nasabing sektor tulad ng Serbisyong Totoo Entrepreneurial Program (STEP) na sa loob ng maraming taon ay tumutulong sa mga sari-sari store owners, balot vendors, at iba pang may maliliit na negosyo bilang dagdag puhunan sa mga ito.

Ayon sa kanya, katuwang din ng pamahalaang panlalawigan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagsulong ng mga programang makakatulong sa nasabing sektor.

Bilang chairperson ng Provincial Investment Board, binati ni Gov. Mendoza ang Galing Sayap Group sa mahusay na pamamalakad nito kaya naging dynamic at progresibo ang pagnenegosyo sa nasabing bayan.

Kasama rin ng gobernadora sa nasabing aktibidad si Midsayap Mayor Rolando Sacdalan kung saan higit 400 MSMEs ang dumalo.