CENTRAL MINDANAO-Isang malaking tagumpay para sa mga Cotabateño ang pagkilala sa husay ng pamamahala ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza na pinangalanang isa sa mga “top performing public officials” sa buong bansa kahit pa man anim na buwan pa lamang itong naninilbihan bilang pinakamataas na opisyal ng lalawigan.
Ito ay ayon sa isang independent at non-commissioned survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD), isang non-partisan research group na nagpalabas ng resulta ng ekstensibong statistical research para sa 148 na mga alkalde, 253 na mga kongresista, at 81 na gobernador kung saan naging batayan ang “work performance” ng mga ito sa taong 2022.
Sa hanay ng mga gobernador sa Pilipinas, nasa ikalabintatlong pwesto si Governor Mendoza na nakakuha ito ng 74% approval rating mula sa taumbayan.
Isang malaking tagumpay ang pagkilalang ito para kay Gov. Mendoza na nasa anim na buwan pa lamang mula ng muling iluklok ng mga Cotabateños na gobernador sa lalawigan.
Ang nasabing pananaliksik na mas kilala bilang “Boses ng Bayan” ay isinagawa mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2 noong nakaraang taon at may 10,000 randomly selected respondents na nasa 18-70 taong gulang rehistradong mga botante at residente ng kani-kanilang local government unit.