CENTRAL MINDANAO-Nakipagpulong si Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa iba pang mga bagong myembro ng Mindanao Development Authority (MinDA) Board of Directors na kinabibilangan ng mga gobernador at kasalukuyang Regional Development Council (RDC) Chairpersons mula sa iba’t ibang rehiyon sa Mindanao.
Nanguna sa pagpupulong si MinDA Secretary Maria Belen S. Acosta, binigyang diin ni RDC XII Chair Mendoza na prayoridad ng konseho ang pagpapa-upgrade ng Makar Wharf o Subport of Dadiangas na nasa General Santos City upang maging Principal Port of Entry ng mga produkto ng SOCCSKSARGEN.
Inilatag ng gobernador ang mataas na produksiyon ng iba’t ibang produktong pang-agrikultura sa rehiyon dose tulad ng kape kung saan aniya ay numero unong prodyuser ang SOCCSKSARGEN sa buong bansa.
Binanggit din ni Mendoza ang mataas na produksiyon ng palay, oil palm, at maging ng mais at pinya dito.
Subalit sa kabila nito aniya ay may mababang growth rate ang rehiyon na dahilan upang magkaroon ito ng pinakamababang alokasyon kumpara sa iba pang mga rehiyon sa buong Mindanao.
Posibleng sanhi umano ng mababang growth rate ng Region XII ay dahil ang mga produktong pang-agrikulturang naitala dito ay hindi nagsasalamin sa totoong dami ng produksiyon ng mga magsasaka dahil sa ibang port idinadaan ang pag-byahe ng mga ito.
Ayon sa gobernadora, magiging malaking tulong ang pagdevelop ng nasabing daungan tungo sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa buong rehiyon.
Ibinida rin ng gobernador ng Cotabato ang inaasahang operasyon ng Mlang Central Airport sa bayan ng Mlang sa taong 2025 na isa ring istratehikong lokasyon para sa paglabas-pasok ng mga produkto.
Positibo naman ang naging tugon ni Sec. Acosta sa mga inilatag ni Gov. Mendoza at sinabing inaasikaso na ng ahensiya at iba pang mga stakeholders ang pagsasagawa ng masusing pag-aaral para sa isang komprehensibong development na isasagawa sa rehiyon.
Si Governor Mendoza ay Co-Chair din ng RDC Mindanao. Ginanap ang nasabing meeting ng MinDA Board of Directors sa Acacia Hotel, Davao City.