-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Mahigpit ngayon ang tagubilin ng mga opisyal ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO) sa mga pulis sa ibat-ibang bayan sa probinsya ng Cotabato na wag makisawsaw sa pulitika.

Ito ang kinomperma ni Police Lieutenant Colonel Bernard Tayong ang tagapagsalita ng CPPO sa Brgy Amas Kidapawan City.

Itoy may kaugnayan sa direktiba ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, na mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang sinumang mga pulis na makitaan na lumabag sa Omnibus Election Code.

Ang mga pulis na nagsisilbing security escort sa mga kandidato ay dumaan sa tamang proseso at may kaukulang dokumento sa pamunuan ng PNP.

Samantala, dumalo naman ang mga pulis sa probinsya ng Cotabato sa isinagawang tatlong araw na absentee voting ng COMELEC sa Cotabato Police Provincial Office sa Brgy Amas Kidapawan City.

Limampu’t apat lamang mula 81 na nasa listahan ng comelec ang bomoto.

Unang nag-aplay ang higit isang daang mga pulis sa tanggapan ng COMELEC ngunit tatlumpo rito ang hindi inapruhanan.

Tanging nasa national positions gaya ng senatorial candidates at partylists lamang maaaring ihalal sa absentee voting.

Ayon sa comelec resolution 10443 na maaaring lumahok sa absentee voting ang mga magsisilbi sa araw ng halalan tulad ng mga pulis, militar at mga Mamamahayag.