-- Advertisements --

Cotabato province bibisitahin at susuriin ang earthquake contingency plan

CENTRAL MINDANAO-Matapos ang malakas na lindol (Intensity V) sa Magsaysay, Davao del Sur,sinundan kagabi sa Matalam Cotabato at Matanao Davao Del Sur na naramdaman sa lalawigan at iba pang karatig-lugar.

Bibisitahin at muling susuriin ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang Earthquake Contingency Plan nito upang masiguro na magiging mahusay, handa at maayos ang earthquake response sakaling maulit pa ang mga pagyanig.

Ayon sa impormasyon mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), magkakaroon ng pagrevisit sa mga nakalatag na hakbang sa contingency plan on earthquake ng probinsya. Ito ay gagawign bukas Miyerkules August 17, 2022 kasama ang mga DRRM partners na kinabibilangan ng Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at marami pang iba.

Maliban dito, binigyang diin din ni PDRRMO Head Mercedita Foronda na handa ang mga disaster equipment ng probinsya sakaling may sakuna. Palalakasin din ang mga dati nang sumailalim sa training na DRRM focal persons sa hanay ng mga empleyado mula sa iba’t ibang departamento sa pamamagitan ng reorientation sa mga ito.

Ngayong araw, nagpatawag ng emergency meeting sa mga DRRM focals kasama ang Administrative Officers (AOs) ang PDRRMO upang magsawa ng assessment and recommendation hinggil sa nangyaring pagyanig.

Ang mga ito ay parte ng mga hakbang na gagawin ng lalawigan, sa direktiba ni Governor Mendoza, tungo sa pagsiguro sa kaligtasan ng bawat Cotabateño sa anumang uri ng kalamidad.

Bago pa man ang nasabing pagyanig kahapon, nagkaroon rin ng serye ng lindol sa bansa sa mga nakalipas na linggo na nagsimula sa magnitude 7.0 sa Abra Provine noong ika-27 ng Hulyo; sinundan ng magnitude 5.4 sa Sultan Kudarat Agosto 2 at magnitude 5.9 sa Maguindanao nito lamang Sabado, ika-13 ng Agosto. Maliban pa dito, nagkaroon rin ng aftershocks matapos ang nasabing mga pagyanig.

Matatandaang Oktubre 2019, ginulantang ang buong bansa ng magkasunod na magnitude 6.6 at magnitude 6.1 na lindol ang probinsya ng Cotabato at nagdulot ng pagkasira ng mga kabahayan, malalaking gusali, pagkamatay ng iilan at naging dahilan upang lisanin ng mga apektadong residente ang kanilang mga tahanan.

Pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at kalmado at makinig sa mga advisory mula sa city / municipal disaster risk reduction and management councils.